Ayon sa opisyal na pahayag ng PhilRice, kailangang mapataas ang ani kada ektarya at mapaliit ang gastos ng mga magsasaka upang maging competitive.
Inaasahang magiging competitive ang mga magsasaka sa pamamagitan ng paggamit ng mataas na kalidad ng binhi tulad ng hybrid at mga certified inbred seeds. Kailangan din ng tamang crop management practices tulad na paglalagay ng akmang dami ng pataba sa tamang panahon pati na ang tamang pamamahala ng peste upang matamo ang mataas na ani. Magagamit natin dito ang Rice Crop Manager, isang application na na-develop ng DA, PhilRice, at IRRI.
Upang mapababa naman ang gastos, kailangan ang mekanisasyon. Ayon sa pag-aaral, labor ang pinakasanhi ng mataas na gastos sa ating pagsasaka kumpara sa ibang mga kalapit-bansa. Makatutulong dito ang paggamit ng combine harvester, mechanical transplanter, at iba pang labor-saving techniques.
Ginagawa ng DA na maging accessible sa ating mga magsasaka ang
mga teknolohiyang ito sa pamamagitan ng Production Loan Easy Access (PLEA).
Makakatulong naman sa pagpapababa ng marketing cost kung ang mga organisadong grupo ng magsasaka ay matututo na ring sumali sa pagnenegosyo ng bigas. Sa pamamagitan nito, mapaiikli natin ang daan mula palay sa bukid hanggang kanin sa hapag-kainan. Kikita na ang ating mga magsasaka sa value-adding, makikinabang pa ang ating mga konsyumer sa mas murang bigas. Kaya naman bukod sa mga production training, tinutulungan na rin ang mga grupo ng magsasaka na magkaroon ng kaalaman sa pagnenegosyo at pagpapalakas ng kanilang organisasyon.
Para sa karagdagang impormasyon, magtext o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0920 911 1398.
Sinuri ni Dr. Flordeliza H. Bordey, ekonomista at Deputy Executive Director for Research ng PhilRice