Napatunayan ni Benjamin Manual, magsasaka mula sa Pila, Laguna na tumaas ang kanyang ani simula nang matutuhan niya ang tamang pamamahala ng sustansiya sa palayan. Si Mang Benjamin ay isa sa mga kalahok ng Farmer Field School training sa PhilRice Los Baños.
Natutuhan ni Mang Benjamin na kinakailangang tama ang uri, dami, at panahon ng paglalagay ng pataba. Aniya, mula sa dating 5.5 tonelada kada ektarya ani sa kanilang lugar, ngayon ay umaabot na sa mahigit anim na tonelada ang kanyang ani gamit ang NSIC Rc 218.
Ayon sa mga eksperto ng PhilRice, mahalagang matukoy ang mga sustansiyang kailangan ng palay at maibigay ito sa tamang dami at sa tamang panahon nang masagad ang potensiyal na kakayahan ng ani. Ipinapayong maglagay ng 14-14-14 o complete fertilizer sa unang labing apat na araw pagkalipat-tanim o sabog-tanim. Sa panahon naman ng pagsusuwi, ipinapayong maglagay ng urea o ammonium sulfate.
Habang bata pa ang palay, kailangan nito ng nitroheno (N), posporo (P), at potasyo (K) nang yumabong at bumwelo ng mabilis. Ang N ang nagpapabulas at mitsa ng paglaki ng palay. Ang P at K naman ay kailangan para sa pagbuo ng mga suwi at tumutulong upang bumaon at kumapit nang husto ang mga ugat nito.
Inaasahang may 10% o higit pang dagdag ani kung tama ang pamamahala ng sustansiya kaakibat pa rin ng tamang pangangalaga mula sa pagpili ng binhi hanggang sa pag-ani.
Para sa karagdagang impormasyon sa pagpapalayan, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. I-follow din ang PhilRice facebook page nang updated ka sa usaping pagpapalayan!