Ngayong tag-ulan, kadalasang tinatamaan ng sakit na mata-mata o rice blast ang palayan. Kaya naman mainam na malaman kung paano nga ba maiiwasan ang pagkalat nito. 

Ipinapayong palaging i-monitor ang bukid upang maging handa sa anumang pagkalat ng sakit. Kailangang kilalaning mabuti ang sakit ng palay upang maisagawa ang tamang pagsugpo. Alamin din ang dahilan ng sakit sa simula pa lamang upang mabawasan o mapuksa ang pinagmumulan nito.

Ang palayang tinamaan ng blast ay nagkakaroon ng spots o mata-mata sa dahon na hugis diamante na medyo mapula ang gilid at abuhin ang gitna. Sa panahon naman ng paglalaman, inaatake ng amag ang batok ng uhay na sanhi ng pagkamatay ng uhay ng palay na tinatawag din na neck blast. Kadalasang umaatake ang rice blast sa mga palayang kapos sa tubig gaya ng katihan at sahod-ulan na bukirin.

Bukod sa paggamit ng matibay na barayti laban sa mata-mata, ipinapayong iwasan ang sobrang paglalagay ng nitroheno. Panatilihin din ang 3-5 sentimetrong lalim ng tubig. Iwasan din ang paglusong sa palayan kapag basa pa ang mga dahon dahil maaaring maikalat ang sakit. Ang mga fungicides gaya ng benomyl, pyroquilon, at tricyclazone ay mainam na pangkontrol sa sakit na mata-mata. Kung inatake ng mata-mata sa panahon ng pagsusuwi, mag-apply ng fungicide sa umpisa ng paglabas ng bunga at ulitin ito kung nasa 70% na ng mga uhay ay nakalabas na para makaiwas sa neck blast at panicle blast.

Kapag nag-ani naman sa palayang tinamaan ng blast, agad na sunugin o araruhin ang pinaggapasan ng palay na may sakit para mamatay ang amag na sanhi ng sakit na mata-mata at mapabilis ang pagkabulok nito.

Para sa karagdagang impormasyon sa pagpapalayan, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. I-follow din ang PhilRice facebook page nang updated ka sa usaping palay!

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel - .
How does this post make you feel?
  • Excited
  • Fascinated
  • Amused
  • Bored
  • Sad
  • Angry

Leave a Reply


Philippine Rice Research Institute (PhilRice) is a government corporate entity attached to the Department of Agriculture created through Executive Order 1061 on 5 November 1985 (as amended) to help develop high-yielding and cost-reducing technologies so farmers can produce enough rice for all Filipinos.

Learn More

Philippine Rice Research Institute