Ayon sa opisyal na pahayag ng PhilRice, masasabi nating may rice security ang ating bansa kung ang bigas na mahusay ang kalidad at ligtas kainin ay may sapat na supply o available, madaling mabili sa mga suking tindahan o accessible, sa murang halaga o affordable, sa lahat ng panahon.
Samantala, sa self-sufficiency, maaring maging available at accessible ang lokal na bigas, pero kung mas mahal naman ito, nawawala ang elemento ng affordability o mabibili sa murang halaga.
Ayon sa pag-aaral ng PhilRice, mas mahal ang bigas sa ating bansa dahil mataas ang gastos sa produksyon. Para makaprodyus ng isang kilong palay, gumagastos ang magsasakang Pinoy ng mahigit P12/kg samantala ang isang magasasaka sa Vietnam ay gumagastos lamang ng mahigit P6/kg. Ito ang dahilan kaya mahal din ang bilihan ng palay na umaabot sa P17/kg sa ating bansa. Sa Vietnam, ang isang kilong palay ay nagkakahalaga lamang ng P11/kg. At dahil kailangan ng 1.5 kg ng tuyong palay para makapag-prodyus ng 1 kg bigas, ang halaga ng raw material sa atin ay halos P26/kg, kumpara sa P17/kg ng Vietnam.
Nakakadagdag din sa mahal na bigas sa ating bansa ang magastos na transportasyon, at pagproseso tulad ng pagpapakiskis, pagpapatuyo, at packaging. Nakapagpapataas din sa presyo ang patong-patong na marketing layers, mula sa mga ahente, traders, millers, wholesalers, at retailers bago makarating ang bigas sa mga konsyumer o mamimili. Kung kaya’t ang isinusulong natin ngayon ay rice security.
Para sa karagdagang impormasyon, magtext o tumawag sa PhilRice
Text Center bilang 0920 911 1398.
Sinuri ni Dr. Flordeliza H. Bordey, ekonomista at Deputy Executive Director for Research ng PhilRice