Nang masigurong tuluy-tuloy ang produksyon ng palay sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon at sa iba pang lugar sa Pilipinas, ang DA – Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) ay magpapatuloy sa pagdedeliber at pamamahagi ng binhi para sa mga magsasakang maagang magtatanim ngayong wet season.
Sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), makatatanggap ng libreng binhi ang mga magsasakang magtatanim simula sa huling linggo ng Marso hanggang sa ikalawang linggo ng Abril, o hanggang sa bumalik sa kaayusan bunsod ng Covid 19.
Ayon kay Dr. Flordeliza Bordey, Deputy Executive Director ng PhilRice, patuloy na nakikipag-ugnayan ang PhilRice sa mga katuwang nitong ahensya tulad ng DA Regional Field Offices at local government unit (LGU) nang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng pagsasagawa ng pagdedeliber at pamamahagi ng binhi.
Sa pamamagitan ng adhoc protocol na binuo kamakailan, masisigurong may ayudang pang-magsasaka sa kabila ng krisis. Naaayon ang protocol sa ipinatutupad na quarantine na kung saan iniiwasan ang maramihang pagtitipon ng mga magsasaka sa pagkuha ng binhi.
Ang mga katuwang na kooperatiba at asosasyon ay pinapayuhang mag-aplay ng food pass sa kani-kanilang DA Regional Field Offices nang mapabilis ang pagdedeliber ng binhi.
Sa pamamagitan ng foodlane accreditation, masisiguro ang tuluy-tuloy na suplay ng pagkain at iba pang produkto sa agrikultura ngayong ipinatutupad ang quarantine.
Samantala, ang mga frontliners ng LGU ang naatasang mamigay ng Farmer Seed Acknowledgement Receipt form sa mga magsasaka. Kabilang sa mga impormasyong kailangang punan ng mga magsasaka sa nasabing form ay ang kanilang RSBSA number (Registry System for Basic Sectors in Agriculture), na siyang pangunahing requirement nang makatanggap ng ayuda mula sa RCEF.
Kumpara sa nakaraang proseso ng pamamahagi ng binhi kung saan may nakalaan na iskedyul ng sabayang pagkuha ng binhi, ang mga magsasaka ay maaari nang kunin ang kanilang binhi sa LGU ayon sa oras na maluwag sa kanila.
Kailangan lamang na dalhin ang Farmer Seed Acknowledgement Receipt form, RSBSA stub, valid ID o sertipikasyon ng pagkakilanlan mula sa barangay.
Dagdag pa ni Bordey, maaaring representative na lamang ng kani-kanilang asosasyon o kooperatiba ang kukuha ng binhi nang maiwasan ang pagtitipon ng maramihan. Paalala lamang ni Bordey na siguraduhing ang naatasang representative ay dala-dala ang forms ng mga miyembro, RSBSA stubs, valid IDs, at authorization letter o kasulatang nagpapahintulot sa representative na kunin ang kanilang binhi.
Nang masigurong masusunod ang physical distancing o pagkaroon ng distansya habang nakikipagsalamuha hanggang 2 metro o anim na talampakan, ipatutupad ang rotation scheme sa kawani ng PhilRice at mga katuwang nito sa panahon ng pamamahagi ng binhi.
Hinihikayat ang mga kalahok na magsuot ng face mask, gumamit ng sanitizer at i-monitor ang kanilang body temperature.
Ang RCEF-Seed Program ay nasa ikalawang season na ng pamamahagi ng binhi na naglalayong pataasin ang kita ng mga magsasaka habang pinabababa ang gastos sa produksyon nito.
Para sa tag-ulan ngayong 2020, target ng RCEF na makapagpamahagi ng 2.5 milyong sako ng certified inbred seeds na may timbang na 20 kilo kada sako. Inaasahang nasa 1.2 milyong magsasaka ang makatatanggap ng libreng binhi.
Para sa karagdagang impormasyon, magtext o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423.