Sa paggamit ng dekalidad na binhi, tinatayang aabot sa 5-20% ang dagdag kita. Kaya naman, hinihikayat ng PhilRice na gumamit ng dekalidad na binhi. Dagdag ani na, dagdag kita pa!
Dekalidad na maituturing ang binhi kung nanggaling ito sa mga rehistradong seed growers at dumaan sa pagsusuri ng National Seed Quality Control and Services. Ang mga ito ay may kalakip na certification tag. Maaari ding delakidad ang binhi ng mga magsasaka kung dumaan ito sa proseso ng pagpupuro ng binhi.
Ang binhing puro ay pantay-pantay ang laki at mas matibay at malulusog ang mga punla.
Ayon kay Dr. Glenn Ilar, Project Leader ng Rice Seed Systems ng PhilRice, sa paggamit ng dekalidad na binhi, kailangang alalahanin ang mga sumusunod:
Una, piliin ang right seeds na dekalidad at akma sa inyong lugar. Paalala niya, gaano man kataas ang potensiyal na ani ng palay kung ito’y hindi angkop sa inyo lugar ay balewala rin.
Pangalawa, sa panahon ng taniman dapat ay right time. Binigyang diin ni Dr. Ilar ang sabayang pagtatanim upang maiwasan ang mapagkukunan ng pagkain ang mga peste. Pasok ka pa sa tinatawag na synchronous planting kung nakapagtanim ka 14 na araw bago at 14 araw pagkatapos magpatanim ang karamihan sa inyong lugar.
Pangatlo, gamit ang dekalidad na binhi maibebenta ang inaning palay sa right price. Dahil nga ito ay mas matibay mula sa punla hanggang sa paglaki ay mas madali ang pamamahala kaya makakatiyak ng mataas na ani, mas may kalidad na bigas kaya mas mataas ang inaasahang kita.
Ang panghuli, ipinapaalam ang pagkakaroon ng right amount sa lugar kung saan mayroong mapagkukunan ng binhing magagamit ang mga magsasaka sa panahong kailangan nila.
Sa pamamagitan ng seed buffer stocking ng DA regional offices ay makakakuha ng libreng binhi ang mga nasalantang magsasaka. Mayroon ding seed exchange program na namimigay ng registered sa mga bagong seed growers sa lugar upang maging mas accessible ang delakidad na binhi.
Pwede rin pagkunan o makahiram ng binhi sa community seed banks na malapit sa inyong probinsya.
Sa paggamit ng dekalidad na binhi laging tandaan ang right seeds, right time, right price, at right amount.
Para sa karagdagang impormasyon, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. Uulitin ko po, 0917 111 7423.