Mahigit P5,000 ang maaaring matipid kung sabog-tanim ang paraang gagawin kumpara sa lipat-tanim. Bukod sa tipid-gastos, mainam din ang sabog-tanim lalo na sa mga lugar na mahirap nang kumuha ng mga manananim.
Sa sabog-tanim, mas mura ang bayad o labor cost dahil ito ay hindi masyadong matrabaho. Mas tipid din sa tubig dahil hindi kailangan agad ng tubig matapos magsabog ng binhi. Hindi na rin kailangang magpasibol ng punla, magbunot, at itanim muli ang punla. Mas mabilis din ang paggulang ng 7-10 araw kumpara sa lipat-tanim dahil ito ay hindi na binunot.
Malaki rin ang matitipid sa diesel dahil hindi na kailangan pang magbunot at maglipat-tanim.
Ayon kay Fredierick Saludez ng PhilRice, kung kinukulang ang patubig sa lugar, pumili ng binhing maagap o early maturing, subok na sa sabog- tanim tulad ng PSB Rc10, PSB Rc14, NSIC Rc 130, 152, 238, at 298. Ang mga barayti na ito ay mabilis lumaki at magsuwi upang hindi ito kaagad matalo ng damo.
Ipinapayo rin ang 40 hanggang 80 kilong binhi kada ektarya. Maaari rin naman gumamit ng drumseeder sa pagsasabog-tanim nang makatipid sa binhi at maiwasan ang pagdapa ng palay. Ang drumsseder ay may lalagyan na maliliit na plastic drum, ito ay may mga butas at hinihila lamang upang malaglag ng nakalinya ang mga pinasibol na buto.
Para sa karagdagang katanungan, magtext o tumawag sa PhilRice Text Center, 0917-111-7423(RICE).