Alam nyo ba na hindi lamang ang paglaki ng tyan ang dahilan kung bakit dapat maalarma sa pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa carbohydrates tulad ng kanin. Ang sobrang pagkain ng kanin ay maaaring magdulot ng iba’t-ibang karamdaman tulad ng sakit sa puso, diabetes, at iba pa.
Ang bawat katawan ng tao ay may kaukulang pangangailangan, ang iba ay dapat kumain ng mas marami, ang iba naman ay kaunti lamang.
Sa loob ng isang araw, ipinapayong nasa apat at kalahating tasang kanin lamang ang kakainin ng taong nasa edad 19 hanggang 30 taong gulang na ika nga ay may active lifestyle. Inaasahang mas mababa pa sa apat na tasang kanin ang kakainin naman ng mga taong mas kaunti ang pisikal na gawain.
Tandaan na ang hindi nagagamit na glucose ay naiiwan sa katawan
bilang taba at ang pagdami nito ay kadalasang nagdudulot sa katawan upang mas maging lapitin sa mga sakit tulad ng hypertension at diabetes.
Ayon sa pag-aaral ng PhilRice, mas masustansiya ang unpolished pigmented rice kumpara sa ordinaryong puting kanin. Ang unpolished pigmented rice ay red o black rice kung saan ang darak ay nakabalot pa sa kanyang butil. Tanging balat o ipa lamang ang natanggal kapag ang bigas ay “unpolished”.
Napatunayan na kalimitang mas mataas ang crude protein, crude ash, crude fat, at crude fiber ng pigmented rice kumpara sa puting bigas.
Dagdag pa diyan, ang pigmented rice ay mayaman sa antioxidants, protina, fiber, vitamins, at minerals na makatutulong sa pag-iwas ng pagkakaroon ng mga chronic lifestyle diseases tulad ng kanser, sakit sa puso, at iba pang karamdaman. Mas masustansiya ang pigmented rice kung kakaining itong may darak pa dahil nandito ang karamihan sa sustansiya tulad ng phytochemicals.
Bukod sa pigmented rice, masustansiya rin ang brown rice o pinawa. Ang brown rice ay hindi partikular na barayti ng palay. Ang brown rice o unpolished o half- milled rice ay palay na tinanggalan lamang ng balat o ipa. Ito ay kulay brown dahil nakapulupot pa ang darak nito.
Mas masustansya ito kumpara sa well-milled o puting bigas dahil ang
darak nito ay mayaman sa protina, fiber, vitamins, minerals, at antioxidants.
Para sa karagdagang impormasyon, magtext o tumawag sa
PhilRice Text Center bilang 0920 911 1398.