Nang makatipid sa gastusin sa pagtatanim, maaaring subukan ang PhilRice-Inca Plastic Drumseeder.
Ayon kay Ferdinand Echon, extension worker at magsasaka mula Masinloc, Zambales, P1,000 kada ektarya ang kanyang nagagasta bilang upa sa magtatanim gamit ang drumseeder, P5,250 naman ang upa sa mga manananim ng lipat-tanim.
Kaya naman, para kay Echon laking tipid talaga kung drumseeder ang gagamitin sa pagtatanim ng palay.
Ang drumseeder ay ginagamit sa paraang sabog-tanim Sa paggamit nito, magkakatapat ang hanay ng palay na may layong 20 sentimetro bawat hanay kaya madali ang pagdadamo gamit ang mechanical weeder. Kaya, iwas-aksaya ng binhi.
Nasa 20-60 kilo kada ektarya ang magagamit sa paggamit ng drumseeder kumpara sa 100-150 kilo kada ektarya sa manwal na paraan ng pagsasabog-tanim.
Maaari gamitin ang drumseeder sa katihan at basang lupa. Ito ay madaling gamitin at pangalagaan. Nasa 10 kilo lamang ang timbang nito na gawa sa plastic tubing at polyethylene plastic.
Sa paggamit ng drumseeder, matataniman ang 1-1.5 ektaryang palayan maghapon depende sa kasanayan ng gagamit.
Ang isang unit ng drumseeder ay binubuo ng limang drum na nakakabit sa isang ehe. Ang bawat drum ay naglalaman ng 2 kilong binhi. Ito ay may dalawang hanay ng butas na makapagbibigay ng 10 hanay ng binhi sa isang pagkakataon ng paghila.
Sa kasalukuyan, mabibili ang drumseeder sa halagang P8,500.
Para sa karagdagang impormasyon, magtext o tumawag sa PhilRice Text Center, 0917-111-7423.