Sa tamang proseso ng pagpupuro ng binhi, maaaring tumaas ang ani at kita ng mga magsasaka ng 5-20%, tipid pa sa pagbili ng binhi!
Ipinapayo ng mga eksperto ang pagpupuro ng sariling binhi lalo na sa magsasakang nasa malalayong bayan na kakaunti ang mapagkukunan ng binhi.
Sa pagpupuro ng binhi mula sa tinanimang bukid, pumili ng pinakamainam na lugar na may sukat na 1,000 metro kwadrado at lagyan ito ng tulos upang magsilbing palatandaan.
Habang lumalaki ang palay, sundin ang tamang dami at uri ng pataba batay sa resulta ng soil analysis o rekomendasyon sa inyong lugar. Ito ay para maiwasan ang pag-atake ng sakit.
Para mapanatili ang pagkapuro ng binhing makukuha, bunutin agad ang mga palay na wala sa linya, masyadong mababa o mataas kaysa pangkaraniwang tanim, kakaibang kulay o hugis ng dahon, lapak o puno, at nauuna o nahuhuling uhay.
Sa panahon ng anihan, unahin itong anihin para masigurong puro ang mga ito. Kinakailangan na 85-90% na ang hinog na bunga. Iwasan na maputikan ang mga naaning palay. Tiyakin na malinis ang makinang gagamitin. Ang paggigiik ay dapat ginagawa kaagad para mapanatili ang kalidad ng naani.
Sa pagpapatuyo, siguraduhing malinis ang bilaran. Gumamit ng net o banig kung sa semento ito bibilad. Inirerekomenda ang pagpapatuyo sa araw hanggang ala una ng hapon nang maiwasan ang pagbibitak ng butil sa loob ng bunga.
Kapag 12-14% na ang moisture content o halumigmig ng binhi, mainam na linisin ito gamit ang bilao o blower upang maihiwalay ang mga binhing walang laman at iba pang mga halo. Isilid sa malinis at matibay na sako bago ilagay sa imbakan.
Ang imbakan ng mga binhi ay panatilihing ligtas sa kulisap gaya ng bukbok, at siguraduhing hindi mababasa.
Sa tamang proseso ng pagpupuro ng binhi, tiyak na may purong binhing magagamit para sa susunod sa taniman.
Kung may karagdanang katanungan, magtext o tumawag sa PhilRice Text Center, 0917-111-7423. Maaari ring i-like ang rice.matters facebook page ng PhilRice.