Ayon sa mga eksperto na sa pagtatanim ng hybrid rice, halos nasa P100,000 ang karaniwang kita bawat ektarya sa hybrid rice.
Sa pagtatanim ng hybrid rice tulad ng Mestizo 1 at Mestiso 20, siguraduhing bago at tama ang dami ng binhing itatanim. Sapat na ang 15-18 kilong binhing hybrid kada ektarya. Payo ng mga eksperto, ibabad ang binhi nang 12-24 oras sa umaagos na may malinis na tubig. Kung ibababad sa hindi umaagos na tubig, palitan ang tubig tuwing ika 6 na oras. Matapos ibabad hugasang mabuti ang binhi at ipatong sa kahoy o paleta. Kulubin ang mga buto nang 24-36 oras hanggang sumibolang mga ugat.
Paalala naman ng mga eksperto na huwag mangamba sakali mang medyo maitim, mas magaan, at hindi gaanong mapintog, at medyo nakabuka ang mga buto o binhi ng hybrid rice. Sadyang ito ay ilan sa mga katangian ng binhi ng hybrid.
Sa paghahanda naman ng kamang punlaan, gumawa ng 400 metro kwadradong punlaan na may lapad na 1 metro. Maglagay ng 10-15 sakong organikong pataba bago patagin ang kamang punlaan upang bumuhaghag ang lupa at mas madaling mabunot ang punla. Magpunla ng buto sa daming 50 gramo kada metro kwadradoo humigit-kumulang isang dakot.
Protektahan ang mga bagong-tubong punla sa mga damo at peste sa palayan tulad ng kuhol at daga. Kapag lumalago na ang punla, panatilihing may 1-2 sentimetrong ang lalim ng tubig.
Kapag maglilipat-tanim na, bunutin at ilipat-tanim ang 18-21 edad na punla. Magtanim ng 1-2 punla lamang kada tundos.
Itanim ang punla sa lalim na 2-3 sm. Lamang. Kung mas malalim pa, mas mahirap makarecober ang punla, kakaunti ang suwi at mabagal ang pagbulas ng palay.
Gumamit ng planting guide o marker para masigurado ang tamang agwat ng tanim, mas madali at maayos ang paglilipat-tanim. Itanim ang punla sa distansyang 20 sentimetro x 15 sentimetro kapag tag-araw, at 20 sentimetro x 20 sentimetro kapag tag-ulan upang makamit ang tamang dami ng populasyon ng palay.
Para naman sa pag-aabono, tiyaking tama ang uri, dami, at panahon ng pag-aaplay. Tandaang mas madaling atakihin ng peste o kapitan ng sakit, malamya at maaaring humapay ang palay kung sobra-sobra ang ilalagay na abono. Kapag kulang naman ay mabagal ang paglaki ng palay, kaunti ang suwi at uhay, at magaan ang mga butil, posible din na hindi makamit ang inaasahang ani.
Samantala, sa unang 5-7 araw ng tanim, panatilihin ang 2-3 sm lalim ng tubig upang makontrol ang pagtubo ng damo matapos maglipat-tanim.
Sa panahon ng tag-ulan, patuyuan ang bukid 2 linggo bago mag-ani. Para sa karagdagang impormasyon sa pagpapalayan, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. I-follow din ang PhilRice Facebook page nang updated ka sa usaping pagpapalayan! Maaari ring mapanood ang mga rice technology videos sa Youtube. Hanapin lamang ang PhilRice TV.