Mataas na ani at kita sa mababang gastos na pagpapalayan, ibibida sa Lakbay Palay ng DA-PhilRice, Science City of Muñoz, Nueva Ecija sa Marso 20-21, 2024.
Bukod sa pagpapakita ng mga teknolohiya sa pagpapalayan, magkakaroon din ng malayang talakayan sa pagitan ng mga magsasaka at mga eksperto upang masolusyunan ang mga karaniwang problema ng mga magsasaka sa palayan. Ibibida rin ang ilan sa mga natatanging nagawa ng PhilRice bilang tugon sa Masaganang Bagong Pilipinas. Kabilang dito ang nadebelop na barayti ng palay na mainam sa palayang may patubig, ang NSIC Rc 738 na kayang umani ng hanggang 9.9t/ha at Rc 740 na kayang umani hanggang 11.1t/ha. Mayroong ding nadebelop na pwede sa Sahod Ulan, ang Rc 732 na kayang umani hanggang 6.9t/ha. Mayroon ding Rc 730, special rice na kayang umani hanggang 8.8t/ha. Bukod sa mga barayting nadebelop, ibibida rin ang mga teknolohiyang tugon sa pabagu-bagong panahon o climate change, mga diskarteng isinasagawa para maikonek ang mga magasasaka sa merkado nang mabenta ang kanilang produkto sa mas magandang presyo, at mga nagawa ng Rice Competitiveness Enhancement Fund particular na sa RCEF Seeds at Extension.
Samantala, talakayang karera sa agrikutura ang pag-uusapan sa ikalawang araw ng Lakbay Palay. Tampok sa mga pag-uusapan ang iba’t-ibang maaaring trabaho sa larangan ng agrikultura. Kabilang na diyan ang plant breeding, development communication, accounting, business administration, food science, engineering, at iba pa. Layunin nitong hikayatin ang kabataan na kumuha ng karera sa agrikultura na siyang tutulong na magpataas ng ani at kita ng mga magsasaka tungo pa rin sa Masaganang Bagong Pilipinas.
Inaasahang 500 na magasasaka para sa unang araw at 500 na estudyante mula sa iba’t-ibang probinsiya ang dadalo sa Lakbay palay.
Para naman sa hindi makadadalo, maaaring mapanood ang Lakbay Palay sa DA-PhilRice facebook page sa mismong araw, sa ganap na ika-pito ng umaga.
Ang Lakbay Palay na ito ay parte ng “town hall meeting” na isinasagawa ng iba’t-ibang ahensiya ng Department of Agriculture bilang tugon sa panawagang Bagong Pilipinas ng pamahalaan.
Para sa karagdagang impormasyon sa pagpapalayan, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. Bisitahin din ang PhilRice Facebook page nang updated ka sa usaping pagpapalayan! Maaari ring mapanood ang mga rice technology videos sa PhilRice Tv sa youtube website.