Ayon sa mga eksperto ng PhilRice, ang hindi angkop na paggamit ng pestisidyo ang isa sa mga dahilan ng pagkasira, pagkamatay, at pagkawala ng mga kaibigang kulisap sa palayan.
Ang mga kaibigang kulisap tulad ng ground beetle, mga gagamba tulad ng wolf spider, lynx spider, long jawed spider, mga kuliglig, cricket, red ant, pagung-pagongan, at mga tutubi ang siyang kumakain o sumisipsip ng katas ng mga katawan ng pesteng kulisap. Samantala, ang mga parasitoids gaya ng mga putakti ay umaatake sa mga itlog at uod ng mga pesteng kulisap sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang mga itlog na nagiging sanhi ng pagkamatay ng itlog o uod ng peste. Unti-unti namang pinapatay ng mga mikro-organismo tulad ng amag, bacteria, at virus ang mga pesteng kulisap.
Ang pagtatanim ng mga namumulaklak na halamang damo tulad ng biden at butter daisy kalapit ng palayan ay mainam na tirahan ng mga kaibigang kulisap. Wala pang gastos sa patubig at pataba sa pagtatanim ng mga ito.
Bukod sa pagtatanim ng namumulaklak na damo, maaari ring magtanim ng gulay tulad ng okra, kalabasa, talong, at sesame o linga kalapit ng palayan. Tulong na panlaban sa pesteng kulisap, pwede pang pagkakitaan o mapagkukunan ng pagkain!
Para sa karagdagang impormasyon, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. Uulitin ko po, 0917 111 7423.