Ipinapayo ng mga eksperto na gumamit ng barayting may resistensya laban sa peste para maiwasan ang pagdami nito.
Ilan sa mga subok na barayti sa Pilipinas ang NSIC Rc 222, 216, 160, 300, at 238.
Kapag lipat-tanim, kayang umani ng NSIC Rc 222 ng 122 hanggang 200 kaban na may paggulang na 114 araw. Kung sabog-tanim naman, kayang umani nito ng 114 hanggang 158 kaban na may paggulang na 106 araw. Ang Rc 222 ay nasa gitna ng matibay at mahina sa blast, bacterial blight, at tungro. Ito ay medyo matibay sa brown plant hopper at green leaf hopper. Kapag naluto, katamtaman ang lambot ng Rc 222.
Samantala, kaya namang umani ng Rc 216 ng 120 hanggang 194 kaban na may paggulang na 112 araw kung lipat-tanim. Nasa 114 hanggang 186 kaban naman na may paggulang na 104 araw ang Rc216 kung sabog-tanim. Ang Rc216 ay nasa gitna ng matibay at mahina sa bacterial blight, brown plant hopper, at green leaf hopper. Katamtaman din ang lambot ng Rc 216 kapag naluto.
Samantala ang Rc 160 kung sabog-tanim ay umaani ng 112 hanggang 164 kaban. Ang Rc 160 ay may paggulang na 122 araw kung lipat-tanim at 107 araw naman kung sabog tanim. Matibay sa yellow stemborer ang Rc 160. Ito ay nasa gitna ng matibay at mahina sa blast, bacterial blight, at GLH. Malambot ang kanin ng Rc 160.
Ang Rc 300 naman ay umaani ng 114 kaban hanggang 208 kaban kung lipat-tanim at 106 hanggang 180 kaban kung sabog-tanim. Ang Rc 300 ay may paggulang na 115 araw kung lipat-tanim at 105 araw kung sabog tanim. Nasa gitna ng matibay at mahina sa blast ang Rc 300. Medyo matibay din ito sa brown plant hopper at berdeng ngusong kabayo. Katamtaman ang lambot ng kanin ng Rc 300.
Ang Rc 238 naman ay kayang umani ng 128 hanggang 212 kaban na may paggulang na 110 araw kung lipat-tanim. Nasa gitna ng matibay at mahina sa blast, bacterial leaf blight, sheath blight, berdeng ngusong kabayo, brown plant hopper, at stemborer. Katamtaman ang lambot ng kanin ng Rc 238.
Ang bawat kaban ay may timbang na 50 kilos.
Para sa karagdagang impormasyon, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. Uulitin ko po, 0917 111 7423.