Ipinapayo ng mga eksperto na magtanim nang sabayan sa komunidad matapos pagpahingahin ang lupa ng isang buwan pagka-ani. Ito ay upang maiwasan ang mas malaking pinsala ng mga peste sa iba’t-ibang yugto ng palay.
Karamihan sa mga pesteng kulisap ay tumatagal lamang ng isang buwan ang buhay. Sa pamamagitan ng pagpapahinga ng lupa, napuputol ang inog ng buhay o life cycle ng mga peste dahil wala silang makain at matirhan hanggang sa susunod na taniman.
Dagdag pa diyan, namamatay ang mga sakit ng palay mula sa nakaraang pagtatanim kapag nakatiwangwang ang lupa.
Sa pagsasagawa ng sabayang pagtatanim, ang magsasaka ay kailangang magtanim labing-apat na araw bago o pagkatapos na ang karamihan sa napapatubigan ay nataniman.
Ibig sabihin, hindi kailangang sabay-sabay ang pagtatanim sa iisang araw. Masasabing nakipagsabayan ka pa rin sa pagtatanim kung labing-apat na araw bago o pagkatapos na ang karamihan ay nakapagtanim.
Sa sabayang pagtatanim, naiiwasan ang malaking pagkabawas ng ani dahil sa pesteng kulisap.
Para sa karagdagang impormasyon, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. Uulitin ko po, 0917 111 7423.