Tuluy-tuloy pa rin ang iskedyul ng pamamahagi ng certified inbred seeds mula sa DA – Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice).
Sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), makatatanggap ng libreng binhi ang mga magsasakang magtatanim ng palay ngayong tag-ulan o Wet Season 2020.
Para sa Abril 19 hanggang Abril 25, ang mga sumusunod na probinsya ay madedelibiran at makatatanggap ng libreng certified inbred seeds.
Ayon sa pag-aaral ng PhilRice, ang paggamit ng dekalidad na binhi kaakibat ng tamang pamamahala ay nakapagbibigay ng 10% pataas na dagdag ani.
Paalala po sa mga magsasakang kukuha ng kanilang binhi, dalhin ang RSBSA stub, valid ID o sertipikasyon ng pagkakilanlan mula sa barangay kung walang identification card o ID, at pumirma sa Farmer Seed Acknowledgement Receipt form o FSAR sa araw ng pagkuha ng binhi. Ang FSAR ay hawak ng Municipal Agriculture Office o MAO.
Maaring kumuha ng binhi sa inyong MAO sa oras na maluwag sa inyo. Tiyakin lamang na nakapagdeliver na o mayroon nang available na binhi sa inyong LGU.
Maaari rin naman na representative na lamang ng inbidwal, asosasyon o kooperatiba ang kukuha ng binhi nang maiwasan ang pagtitipon ng maramihan.
Kung representative para sa individual farmer ang kukuha ng binhi– Siguraduhing ang naatasang representative ay hawak ang inyong RSBSA stub, valid ID, at authorization letter o kasulatang nagpapahintulot sa representative na kunin ang inyong binhi. Siya ay pipirma sa Farmer Seed Acknowledgement Receipt (FSAR) na hawak ng Agricultural Extension Worker o AEW.
Kung representative para sa asosasyon o kooperatiba ang kukuha ng binhi– Siguraduhing hawak ng representative at ng AEW ang pirmadong FSAR na maaaring nauna nang pinapirmahan ng partner AEW sa mga farmer-recipients sa pamamaraang ‘house to house” o “pagbabara-barangay”. Dapat ang FSAR ay pirmado na ng mga magsasaka noong nag house to house ang ating AEW. Ang gagawin na lamang ng representative ay kunin ng minsanan ang mga binhi sa drop off point o sa LGU. Ang representative ay kailangan lamang magpakita ng valid ID at authorization letter na may kasamang listahan ng mga pangalan na kukuhanan ng binhi.
Paalala po kung ang representative para sa grupo ng asosasyon o kooperatiba mismo ang kukuha ng binhi sa LGU at pipirma sa FSAR, dapat ay dala nya ang RSBSA stub at ID ng farmer-recipient. Dapat din ay may dala rin siyang ID at authorization letter na may kasamang listahan ng pangalan ng mga kukuhanang magsasaka.
Dapat din ay alam ng representative ang iba pang mga detalye ng farmer-recipient na kailangang mailagay sa FSAR.
Para sa tag-ulan ngayong 2020, target ng RCEF na makapagpamahagi ng 2.5 milyong sako ng certified inbred seeds na may timbang na 20 kilo kada sako. Inaasahang nasa 1.2 milyong magsasaka ang makatatanggap ng libreng binhi.
Pinapayuhang makipag-ugnayan sa tanggapan ng DA na pinakamalapit sa inyong lugar ang mga magsasakang tatanggap ng certified inbred seeds.
Para sa karagdagang impormasyon, magtext o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423.