Inanunsyo ng Rice Competitiveness Enhancement Fund Seed Program na magpapamahagi ito nang higit 2.5 milyong sako ng dekalidad na libreng binhi sa mahigit na 1 milyong magsasaka sa 78 na target na probinsya sa bansa ngayong wet season.
Base sa datus nang Rice Seed Monitoring System, umabot na sa halos 1,170,000 sako ng libreng dekalidad na binhi ang naipamahagi na sa 73 probinsya. Nasa 390,000 dito ang natanggap na ng mga kwalipikadong magsasaka.
Bukod sa libreng binhi, kasama rin sa pamamahagi ang mga babasahin tungkol sa pagpapalayan at pagsasagawa ng program briefing kasama ang partner implementing agencies na Agricultural Training Institute, Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization, Technical Education and Skills Development Authority, at Development Bank of the Philippines para ibahagi ang mga iba’t-ibang serbisyong hatid ng RCEF program.
Pahayag ni Laarnie L. Mandia, activity lead ng program briefing ng RCEF-Extension, mahalaga ring malaman ng mga magsasaka ang ibang serbisyong RCEF para mas marami ang makinabang sa libreng training, paggamit ng makabagong makinarya, at pautang na may mababang interes.
Hinihikayat rin niya ang mga magsasaka na basahin ang mga natanggap na IEC materials upang maging gabay sa pagpapalaki ng mga binhing natanggap at madagdagan pa ang kanilang kaalaman sa pagpapalayan.
Matatandaang nagsimula ang RCEF sa pagdedeliber at pamamahagi ng binhi at babasahin nitong April 11, 2024. Katuwang ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng RCEF Seed at Extension Program.
Para sa karagdagang impormasyon sa pagpapalayan, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. I-follow din ang PhilRice Facebook page nang updated ka sa usaping pagpapalayan! Maaari ring mapanood ang mga rice technology videos sa Youtube at TikTok. Hanapin lamang ang PhilRice TV at Rice_Matters.