Ayon sa Presidential Decree No. 491, ang buwan ng Hulyo ay naideklara bilang buwan ng nutrisyon. Sa temang “New normal na nutrisyon, sama-samang gawan ng solusyon”, ipinapayong sama-sama nating palakasin ang ating mga katawan lalo na ngayong may COVID-19 virus pa rin.
Upang maging malakas ang katawan, mainam na kumain ng mga masusustansiyang pagkain at palagiang mag-ehersisyo, pahayag ni Evelyn H. Bandonill, Supervising Science Research Specialist ng PhilRice.
Paalala ni Bandonill na huwag alisin sa ating pinggan ang pagkain ng kanin o iba pang pagkaing pinagmumulan ng carbohydrates ng katawan. Nakapanghihina kasi ng katawan ang hindi pagkain ng kanin. Tandaan na ang carbohydrates ang siyang nagbibigay ng enerhiya sa katawan. Ito din ang tumutulong para makapagtrabahong mabuti ang ating utak, kidney, muscles sa puso, at central nervous system.
Dagdag pa ni Bandonill, dapat ay nasa tamang dami lamang ang pagkain ng kanin. Maaari ring subukan ang mas masustansiyang kanin o iba pang pinagkukunan ng carbohydrates tulad ng saba, kamote, o iba pang root crops.
Ilan sa mga mas masustansiyang kanin ay ang brown rice na mayaman sa protina, fiber, bitamina, at mineral at unpolished pigmented rice tulad ng black o red rice na mayaman sa antioxidants na makatutulong magpalakas ng resistensya kontra sa mga chronic lifestyle diseases tulad ng sakit sa puso, kanser, diabetes, at iba pang karamdaman. Ang ibang healthier rice na may dagdag na micronutrients ay high-iron rice para sa anemia at high-zinc rice para naman sa zinc deficiency.
Huwag ring kalimutang mag-ehersisyo, uminom ng maraming tubig, at iwasan ang mga bisyo tulad ng pag-inom ng alak at paninigarilyo upang maging malusog ang katawan. Para sa karagdagang impormasyon sa pagpapalayan, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. I-follow din ang PhilRice Facebook page nang updated ka sa usaping pagpapalayan! Maaari ring mapanood ang mga rice technology videos sa Youtube. Hanapin lamang ang PhilRice TV.