Ayon sa pag-aaral na ginawa ng grupo nina Dindo King Donayre ng PhilRice, napatunayan nilang may potensiyal ang halamang makahiya at lantana panlaban sa sakit na BLB ng palay.
Ang sakit na BLB ay nagdudulot ng paninilaw at panunuyo ng dahon simula sa dulo pababa. Tinatayang nasa 20-60% ang maaaring maging talo ng mga magsasaka sakaling umatake ang BLB sa palayan.
Para makuha ang katas ng makahiya at lantana, tinuyo at dinikdik ang mga dahon. Ito ay hinaluan ng 80% ethanol, sinala, at pinaraan sa rotary method.
Sa pag-aaral na isinagawa nina Donayre, apat na treatments ang kanilang sinubukan para i-spray sa palay na tinamaan ng paltik. Ang unang treatment ay tubig lang, pangalawa ay copper oxychloride, pangatlo at pang-apat ay ang katas ng makahiya at lantana na 100% at 75%.
Natuklasan nila sa kanilang pag-aaral na ang mga dahon na inispreyan ng katas ng makahiya at lantana ay mas kaunti ang paltik at pareho lang ang epekto sa hinaluan ng copper oxychloride. Dahil dito, napatunayan nila na maaaring maging option ang makahiya at lantana bilang organikong pestisidyong panlaban sa sakit na paltik bukod sa paggamit ng lason o kemikal.
Para sa karagdagang impormasyon, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. Uulitin ko po, 0917 111 7423.