Kinakain ng golden apple snail o golden kuhol ang ano mang bahagi ng palay na nakasayad sa tubig. Kung ang palayan ay nakitaan ng walong kuhol kada metro kwadrado, malamang ay kaya nitong ubusin ang 98% na bagong tanim ng palay sa loob ng isang araw.
Pinakamapinsala ang mga golden kuhol sa pagsibol ng buto hanggang sa pagsusuwi ng palay. Sa pamamagitan ng magaspang nitong dila, kinakayod nito, at kinakain ang malalambot na bahagi ng palay tulad ng dahon at puno.
Ayon sa mga eksperto ng PhilRice, ang kuhol ay kayang mamuhay ng dalawa hanggang anim na taon. Kaya rin ng mga kuhol na mabuhay ng walang pagkain hanggang anim na buwan. Makikita ang mga kuhol sa mga palayang matubig o binabaha.
Mabilis dumami ang mga kuhol, kaya ng mga kuhol na mangitlog ng 1,000 hanggang 1,200 sa loob lamang ng isang buwan. Umaabot ang pagtatalik ng mga kuhol ng 3-4 oras at ginagawa nila ito anumang oras sa mga nagsisiksikang halaman kung saan mayroong suplay ng tubig sa buong taon.
Ipinapayo ng mga eksperto na pastulan ng itik ang palayan bago magtanim. Araruhin ng tuyo ang lupa upang mapatay ang mga naiiwan pang golden kuhol. Panatilihin itong walang tubig hanggang sa susunod na taniman. Maaari rin maglagay ng pansala sa pasukan ng tubig upang hindi makapasok ang golden kuhol sa palayan.
Upang maakit ang mga golden kuhol, gumamit ng dahon ng saging, papaya at gabi o ng lumang dyaryo. Maaari ring gumawa ng maliliit na kanal sa gilid at gitna ng pinitak nang mapadali ang pamumulot sa mga kuhol. Paalala ng mga eksperto na ang paggamit ng kemikal na pamatay ng golden kuhol ay bilang pinakahuling pamamaraan lamang.
Para sa karagdagang impormasyon, magtext o tumawag sa PhilRice text center bilang 0920 911 1398.