Ayon sa PAGASA o Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, mataas ang posibilidad na makaranas ng El Niño ang ating bansa ngayong Disyembre hanggang Pebrero ng susunod na taon. Sa kanilang pagtataya, nasa 70-75 percent ang tyansa na mararanasan ang El Niño sa bansa. 

Ang El Niño ay isang abnormal na kondisyon ng panahon na nagdudulot ng mainit na panahon at madalang na pag-ulan. Sa panahong ito, kalimitang nagiging problema ng mga magsasaka ang kakulangan sa tubig. 

Kaya naman, ipinapayo ng mga eksperto na paghandaan at alamin ang mga diskarteng makatutulong nang makasabay ang ating mga magsasaka sa maaaring maging dulot nito.

Inererekomenda ng mga eksperto na gumamit ang ating mga magsasaka ng mga barayti ng palay na paaga o early maturing varieties at angkop sa tuyot o drought tolerant varieties. Para sa palayang may patubig, gumamit ng PSB Rc 10, NSIC Rc 134, at NSIC Rc 222. Sa sahod-ulan naman ay PSB Rc 14 at Rc 68. Kung sa upland o palayang katihan, inererekomenda ang PSB Rc 80, NSIC Rc 23 at NSIC Rc 9. 

Sa paghahanda ng lupa, magandang isagawa ang dry land preparation. Hindi kailangan na lubog sa tubig ang lupa. Gamit ang mga farm tractor o traktora, binubungkal ang lupa at dinudurog nang mapadali ang pagsusuyod at paghahanda ng lupa.

Pwede rin subukan ang direct dry seeding. Pre-germinated o pinasibol na binhi ang gamit na direktang inilalaglag sa lupa. Sa pamamaraang ito mas mapapaaga ang pagtanim ng palay kahit limitado ang tubig lalo na sa rainfed areas o sahod-ulan at sa mga lugar na nasa dulo ng irigasyon. Hindi na kailangan maghintay pa ng malakas na ulan na kalimitang dahilan kung bakit nahuhuli ang pagpupunla maging ang paghahanda ng lupa ng magsasaka. 

Kabilang din sa inererekomenda ang Alternate Wetting and Drying o kontroladong pagpapatubig na makatitipid at makaiiwas sa sobrang pagpapatubig sa panahon ng pagpapalaki ng palay. Kinukondisyon nito ang lupa para sa mas magandang pagtubo ng mga ugat at balanseng sustansiya ng lupa. Ginagamitan lamang ito ng observation well na gawa sa biyas ng kawayan o PVC.  Sa paggamit ng observation well, malalaman kung kailangan na nga bang patubigan ang palayan. Kaya naman, maaari nang makatipid sa patubig ng15-30%.
Para sa karagdagang katanungan tungkol sa pagmamahala ng palayan tuwing tag-tuyot, magtext o tumawag sa PhilRice Text Center, 0917-111-7423.

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel - .
How does this post make you feel?
  • Excited
  • Fascinated
  • Amused
  • Bored
  • Sad
  • Angry

Leave a Reply


Philippine Rice Research Institute (PhilRice) is a government corporate entity attached to the Department of Agriculture created through Executive Order 1061 on 5 November 1985 (as amended) to help develop high-yielding and cost-reducing technologies so farmers can produce enough rice for all Filipinos.

Learn More

Philippine Rice Research Institute