Inaasahang magagamit na ngayong Setyembre 2018 ang e-Damuhan app na binuo ng Information Systems at Crop Protection divisions ng PhilRice.
Sa pamamagitan ng simpleng pagkuha ng larawan ng damo gamit ang cellphone o tablet ay agad matutukoy ng e-Damuhan ang uri ng damo at kung paano ito pamahalaan.
Kaya naman, sa pamamagitan ng e-Damuhan app ay mapapadali na ang pagtukoy at pamamahala ng damo ng mga magsasaka, extension workers, at estudyanteng kumukuha ng agrikultura.
Paalala ng mga ekperto na ang hindi wastong pamamahala ng damo tulad ng maling uri ng pamatay-damo na ginamit, sobrang paglalagay, o paglalagay sa hindi tamang panahon ay nagdudulot ng pinsala sa halamang palay. Kung kayat mainam na matukoy ang damo at tamang pamamahala nito.
Tinatayang nasa 78 na uri ang damo ang nakalagay sa e-Damuhan app.
Para sa karagdagang impormasyon, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. Uulitin ko po, 0917 111 7423.