Pinaalalahanan ng Department of Agriculture – Philippine Rice Research Institute o PhilRice ang mga magsasaka ng palay, partikular na ang mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo sa Visayas at Luzon, sa isang pulong balitaan sa Maynila na malaking pagsasayang ang pagtatanim ng sobra-sobrang binhing palay.
Ayon kay Engr. Marvin Manalang, senior science research specialist ng PhilRice, sapat na ang kwarenta kilong inbred na binhi para sa isang ektarya na “lipat-tanim” habang animnapu hanggang walumpung kilong binhi naman para sa tinatawag na “sabog-tanim”. Siguraduhin lamang ang binhing gagamitin ay dekalidad at may minimum germination rate na 85 percent.
Tinawag ding fake news ng PhilRice ang isyu na mas tataas ang ani kung mas marami ang binhing gagamitin.
Paliwanag ng ahensya, kung sobrang binhi ang gagamitin ng magsasaka ay magsisiksikan ang tanim na palay kaya’t mag-aagawan ang mga tanim sa espasyo at pagkain na magreresulta naman sa pagiging malamya at mahina ng mga palay.
Pinaalala rin ng PhilRice sa mga magsasaka na dapat siguraduhing malusog ang mga punlang itatanim dahil mas magiging matibay ang mga ito sa peste.
Anila, mahalagang sundin ng mga magsasaka ang mga patnubay na ito upang siguraduhin ang mabilis nilang pagbangon sa gitna ng pandemya matapos ang mga nagdaang bagyo.
Bukas ang tanggapan ng PhilRice para sa mga karagdagang impormasyon at maaaring mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center sa 0917 111 7423.