Tiyak na makakarekober pa ang tatlumpong araw na edad ng palay, atakihin man ito ng mga peste sa palayan! Kaya naman, sikretong paubaya ang diskarte ni Jett Ayver Yamzon ng Bacolor, Pampanga sa tuwing inaatake ng peste ang kanyang palayan sa unang tatlumpong hanggang apatnapung araw na gulang nito.
Aniya, sigurado naman siyang makakarekober at magpapalit-dahon pa ang kanyang palay kaya hindi na siya nag-aalala pa.
Bukod kasi sa magastos ang pag-isprey ng lason ay maaari pang ikamatay ng mga kaibigang organismo ang bara-barang pag-iisprey. Ang mga kaibigang organismo tulad ng tutubi, gagamba, lady beetle, at iba pa ang siya namang kumakain ng mga peste sa palayan.
Natutuhan din ni Jett ang pagtatanim ng mga halaman tulad ng biden, butter daisy, at gulay sa palibot ng palayan nang may masilungan at lalo pang dumami ang mga kaibigang organismo.
Dagdag pa ni Jett na ang pag-iisprey ng lason ay kanya lamang isinasagawa kapag lubhang kailangan at nasubukan na ang lahat ng kultural na pamamaraan.
Para sa karagdagang impormasyon sa pagpapalayan, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. I-follow din ang PhilRice facebook page nang updated ka sa usaping pagpapalayan!