Payo ng mga eksperto, gapasin at giikin ang palay sa tamang panahon nang maging maganda ang kalidad ng butil at bigas.
Ang sobrang maagang pag-aani ay magdudulot ng pagkasayang ng butil at mas kakaunti ang makukuhang bigas. Samantala, kung atrasado naman ang pag-aani ay maraming butil ang malulugas at kapag giniling ay mas madaling madudurog ang bigas.
Kaya naman, mainam na gapasin ang palay kung 85-90% na ng mga butil ay hinog na o kulay ginto na. Kung gagamit naman ng combine harvester, mainam na nasa 90-95% ng butil ay kulay ginto na.
Sa pag-aani, patuyuan ang palayan isa hanggang dalawang linggo bago ang inaasahang pag-aani nang maging sabay-sabay ang paggulang at paghinog ng mga butil at maiwasang mabasa ang mga butil sa anihan. Mas madali rin ang operasyon sa pag-aani kung ang palayan ay napatuyuan.
Kung gagamit ng moisture meter, anihin ang palay sa 18-21 moisture content kung tag-araw at 20-25% naman kung tag-ulan.
Ipinapayo rin na pagkatapos ang paggapas ay giikin na ang palay nang hindi lalampas sa isang araw kapag tag-ulan at dalawang araw kung tag-araw.
Tandaan, huwag imbakin ang ginapas na palay nang higit sa isang araw sapagkat mag-iinit ito, mangingitim ang butil, at pangit ang magiging bigas. Iwasan ding giikin ang basang palay dahil marami ang matatapon at masasayang na butil.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagpapalayan, magtext o tumawag sa PhilRice text center bilang 0917 111 7423. Maaari ring i-like at i-follow ang rice.matters, sa facebook page ng PhilRice.