Isang Joint Declaration on Agriculture Cooperation ang nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Papua New Guinea sa Malacañang.
Kasunod nito, inaasahang 60,000 Pinoy ang maaaring mabigyan ng trabaho sa Papua New Guinea. Ito ang naging pahayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa kanyang pagbisita sa PhilRice Nueva Ecija kahapon.
Aniya, agriculture graduates, farm machine operators at skilled farmers ang nakikitang magbebenipispyo sa naturang kasunduan.
Nilinaw ni Piňol na tanging technical support lang ang magiging ambag ng gobyerno. Isang pribadong kumpanya naman ang mangangasiwa ng iba pang pangangailangan ng Papua New Guinea tungkol sa pagpapalay.
Pag-amin ng kalihim na sa bilis ng pagtaas ng populasyon sa Pilipinas, mahihirapang mapunan nito ang pangangailangan sa bigas kung kaya’t kinakailangan mag-angkat ng bigas.
Una nang ipinahayag ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng bigas mula sa Papua New Guinea sa oras ng lumago ang produksyon nito upang makasiguro na may sapat, abot-kaya at available na bigas para sa mga Pinoy.
Kasama ng kalihim ang mga kinatawan ng Papua New Guinea upang mapag-usapan ang mga posibleng proyekto para mapalago ang produksyon ng palay sa kanilang bansa.
Sa pagbisita ng kalihim at mga kinatawan ng Papua New Guinea sa PhilRice, ibinahagi sa kanila ang mga teknolohiya sa pagpapalay tulad ng riding-type transplanter, combine harvest, plastic drum seeder, reduced-till planter at rice husk gasifier. Ipinakilala din sa mga opisyal ang mga nangungunang barayti ng palay dito sa Pilipinas tulad ng NSIC Rc 222, Rc 238, Rc 300, Rc 160 at Rc 216.