Limang araw na nagsanay ukol sa pagpaparami ng dekalidad na binhi ang mga magsasakang siyentista at local farmer-technicians mula sa iba’t-ibang rehiyon ng Luzon at CARAGA nitong nakaraang buwan.
Ayon sa mga eksperto ng PhilRice, maaaring magkaroon ng 5-20% dagdag ani ang mga magsasaka kapag puro ang binhing ginamit. Mas mataas din ang porsiyento ng pagsibol nito at malulusog ang mga tutubong halaman. Dagdag pa diyan, mas matitibay ang mga ito laban sa peste at sakit kaya maaaring maabot ang pinakamataas na ani.
Ayon kay Dr. Karen Eloisa T. Barroga, PhilRice deputy executive director ng development, 58% ng mga magsasakang Pinoy ay gumagamit na ng dekalidad na binhi. Kaya naman, anya ay malaki ang maitutulong ng pagsasanay na ito upang dumami pa ang mga magsasaka na magpuro ng kanilang sariling binhi na siyang maari nilang gamitin sa pakikipagpalitan sa kapwa magsasaka.
Dagdag pa ni Barroga na mainam na madagdagan ang mga seed growers nang mas maraming magsasaka ang maka-access sa dekalidad na binhi.
Ang nasabing pagsasanay ay sa pakikipagtulungan ng PhilRice sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization, Agricultural Training Institute, and Villar Social Institute for Poverty and Governance. Ito ay bilang tugon rin sa Seed Exchange program ng Kagawaran ng Agrikultura.
Para sa karagdagang impormasyon, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. Uulitin ko po, 0917 111 7423.