Kapag laging lubog sa tubig ang palayan, nawawalan ng oxygen ang lupa, kaya nabubuo at nailalabas  ang methane gas sa himpapawid. Ang methane ay isang uri ng gas na nagpapainit sa mundo na nagdudulot ng global warming o climate change.

Sa proyektong sinimulan ng Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) katuwang ang Sagri Company Limited ng Japan at National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS) Division 1 Nueva Ecija, susubukang bawasan ang methane emissions sa pagsasaka gamit ang alternate wetting and drying o AWD. 

Ang AWD ay isang paraan ng pamamahala ng tubig upang makatipid sa paggamit ng patubig at naiiwasan na palaging lubog ang palayan. Sa ganitong paraan nakababawas ito ng hanggang 48% ng methane emissions. Gagamit ang smart agriculture na proyektong ito ng satellite-based big data, artificial intelligence, at machine learning technology ng Japan upang subaybayan ang pagbawas ng methane emission gamit ang AWD.

Sisimulan ang pilot testing na ito sa Burgos, Sto. Domingo, Nueva Ecija, kung saan ikukumpara ang paggamit ng AWD sa karaniwang nakagawian ng magsasaka na laging lubog sa tubig ang pananim. 

Ayon kay Dr. Kristine S. Pascual, project lead, gagamitin ng pananaliksik ang kumbinasyon ng on-the-ground at remote sensing approaches, kabilang ang satellite-based methods, upang matukoy ang kondisyon ng tubig sa malawakang pagpapalayan gamit ang AWD. 

Sa pamamagitan nito, mapapadali ang pagmo-monitor ng AWD at maaaring magsilbing beripikasyon para sa paggamit nito sa mga carbon credit mechanism. Ang carbon credit ay isang mekanismo kung saan maaaring makatanggap ng kredito o insentibong pinansyal ang mga magsasaka o organisasyong nagsasagawa ng AWD dahil sa nabawasang methane emissions mula sa kanilang mga palayan. 

Layunin ng pananaliksik na makabuo ng isang metodolohiya na maaaring maisama sa Joint Credit Mechanism (JCM), isang bilateral agreement na nagpapahintulot sa bansang Japan  na nagtataguyod ng low-carbon technologies sa mga bansang kasapi, kabilang ang Pilipinas, ayon kay Dr. Pascual.

Umaasa ang mga katuwang sa proyekto na ang pilot study na ito ay makapagbibigay-daan sa mga magsasaka upang maengganyo na gumamit ng alternate wetting and drying o AWD, makibahagi sa carbon trading markets, at makatulong na ang pagsasaka ay maging sustainable at makakalikasan.

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel - .
How does this post make you feel?
  • Excited
  • Fascinated
  • Amused
  • Bored
  • Sad
  • Angry

Leave a Reply


Philippine Rice Research Institute (PhilRice) is a government corporate entity attached to the Department of Agriculture created through Executive Order 1061 on 5 November 1985 (as amended) to help develop high-yielding and cost-reducing technologies so farmers can produce enough rice for all Filipinos.

Learn More

Philippine Rice Research Institute
สล็อต สล็อต