Kinilala ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) para sa matagumpay na pagdedebelop ng Philippine Rice Information System o PRiSM — ang kauna-unahang satellite-based rice monitoring system sa Timog-Silangang Asya.
Ang PRiSM ay gumagamit ng satellite data, remote sensing, at Geographic Information Systems (GIS) upang matukoy ang aktwal na lawak ng taniman ng palay, inaasahang ani, pinsala mula sa baha o tagtuyot, at maging ang paglaganap ng peste at sakit.
Dahil sa PRiSM, may kakayahan na ang rice sector na mag-monitor ng palay ng real-time, mas mahusay na makakapagplano ng produksyon, at makapagbibigay ng akmang suporta, ayuda o proyekto sa tamang oras upang hindi bumaba ang ani ng palay, na ayon sa Food and Agriculture Organization o FAO ay isang global model technology.
Ayon kay Dr. John C. de Leon, Executive Director ng PhilRice, ang tagumpay ng PRiSM ay hindi lamang tungkol sa teknolohiya, kundi sa pagbibigay ng konkretong tulong sa mga magsasaka.
Dagdag pa nya, ang PRiSM ay tumutulong upang gawing mas matatag at mas produktibo ang mga magsasakang Pilipino para sa mas masaganang ani.
Ang PRiSM na ginawaran ng Global Technical Recognition Award ay nabuo katuwang ang International Rice Research Institute (IRRI), DA-National Rice Program, DA-Bureau of Agricultural Research, mga Regional Field Offices ng Department of Agriculture, at mga Local Government Units.
Ito ay iginawad ng Food and Agriculture Organization o FAO ng United Nations nitong Oktubre, sa 2025 World Food Forum, sa Rome, Italy, bilang paggunita sa ika-80 anibersaryo ng FAO.


