Umabot sa 2.5 milyong sako ng certified inbred seeds ang maagap na naihatid sa ating mga ka-Palay sa buong bansa ngayong wet season ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF Seed Program.
Nasa 94% naman ang timeliness rate o pagkakahatid sa tamang oras ng nasabing mga binhi ayon sa iskedyul na pangangailangan ng mga lokal ng pamahalaan. Hudyat ito na naipadala ang binhi sa mga magsasaka sa tamang oras.
Ayon sa direktor ng PhilRice RCEF Program Management Office na si Dr. Flordeliza H. Bordey, ang 94% na timeliness rate ay dahil sa may sapat na binhi para sa mga early planters o mas maagang nagtanim ngayong wet season, kasama na rin ang tulong ng pinahusay na operasyon ng rice seed monitoring system.
Sa kabila ng eleksyon na dahilan ng pagsasara ng maraming ruta, natugunan ito sa pamamagitan ng maayos na plano sa logistics at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, kasama ang Department of Agriculture National Rice Program.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, umabot sa 9.08 milyong tonelada ang ani ng palay ngayong unang anim na buwan ng 2025, mas mataas sa 8.53 milyong tonelada noong 2024.
Asahan din na mas maraming mga magsasaka ang matutulungan sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng dekalidad na binhi, dahil sa mas malaking pondo na nailaan sa RCEF mula ngayong taon hanggang 2031 sa pamamagitan ng Repubic Act 12078 o pagamyenda sa Rice Tariffication Law.


