Alam nyo ba na maaaring umabot sa 50% o higit pa ang maaaring pinsala na dulot ng stemborer o aksip sa mga pananim na palay? Ang dilaw at puting aksip ang siyang pinakapopular na umaatake sa mga palayan dito sa Pilipinas. Dumarami ang aksip sa palayan sa mga buwan ng Abril hanggang Mayo at Oktubre hanggang Nobyembre.

Ayon kay Anita Antonio, training specialist ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), ang mga uod ng stemborer ay pumapasok sa katawan at kaloob-loobang katawan o puno ng palay at duon nanginginain na nagiging sanhi ng deadheart o panlululos at whiteheads o uban.

Ang deadheart sa palay ay nagaganap sa yugto ng paglago ng halaman. Makikita na ang mga dahon ay tumitiklop, nagkukulay-kape, natutuyo, namamatay, at madaling bunutin kung tinamaan na ng deadhearts. Mayroon ding mapapansin na maliit na butas sa mga puno at may mga ipot ng kulisap.

Sa kabilang banda, ang whiteheads naman ay nangyayari sa yugto ng paghuhubog ng uhay hanggang sa pamumulaklak ng halamang palay. Ang mga uhay na naapektuhan ng whiteheads ay namumuti at ang mga butil naman ay napipipis o walang laman.

Payo ni Antonio, magsagawa ng Integrated Pest Management (IPM) upang mapamahalaan ang stemborer. Sa pagsasagawa ng IPM, naisasaalang-alang ang iba’t-ibang mga pamamaraan ng pangangasiwa sa mga peste.

Maiiwasan ang pananalasa ng aksip kung isasakatuparan ang synchronous planting o sabayang pagtatanim at fallow period o pagpapahinga ng lupa sa loob ng 30 araw sa inyong lugar. Kung sabay-sabay ang pagtatanim at pag-aani at hindi magtatanim ng palay sa loob ng isang buwan, masisira ang siklo ng buhay ng stemborer dahil wala silang matitirhan. Bunga nito, sila ay mamamatay. Kung sakalin man na may matira, sapat ng pamahalaan ito ng mga kaibigang kulisap na nasa bukirin.

Ang mga kaibigang kulisap ay mga natural na kalaban ng mga peste tulad ng parasito, maninila, at mikrobyo. Ang walang pakundangang paggamit ng pestisidyo ay nagdudulot din ng pagkamatay ng natural na kalaban ng mga mapinsalang insekto. Kaya naman, ipinapayo na iwasan ang paggamit ng insecticides. Gamitin lamang ito kung talagang kailangang-kailangan. Siguraduhin lamang na tama at ligtas ang pamamaraan ng paggamit ng mga insectides.

Ipinapayo rin ang paggamit ng binhi ng palay na matibay sa aksip. Ilan sa mga ito ay ang NSIC Rc214 (Tubigan 16), NSIC Rc128 (Mabango 1), NSIC Rc122 (Angelica), PSB Rc100 (Santiago), PSB Rc76H (Panay) PSB Rc50 (Bicol), PSB Rc44 (Gohang), NSIC Rc122 (Angelica), NSIC Rc106 (Sumilao) at NSIC Rc11 (Canlaon).

Paalala ni Antonio na magpalit at pagsalitin ang mga binhing itatanim upang hindi masanay o hindi maiangkop ng mga peste o kulisap sa barayti ng palay.

Ang sobrang pag-aaplay naman ng pataba ay maaaring makalala ng pananalasa ng aksip. Magiging malambot at madaling sirain ng aksip ang mga palayan kung sobra sa nitroheno. Mas madali rin na humapay ang palayan.

Bilang huling payo ni Antonio, inererekomenda nya na bungkalin ang lupa pagkatapos ng pag-aani. Sa ganitong paraan, ang mga uod at bagong pisang uod ay mamamatay sanhi ng pagkakabilad nito sa araw. Ang mga pinagpugaran ng mga aksip ay nasisira sa pagbubungkal ng lupa.

Para sa karagdagang impormasyon, magtext o tumawag sa PhilRice Text
Center bilang 0920 911 1398.

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel - .
How does this post make you feel?
  • Excited
  • Fascinated
  • Amused
  • Bored
  • Sad
  • Angry
Philippine Rice Research Institute (PhilRice) is a government corporate entity attached to the Department of Agriculture created through Executive Order 1061 on 5 November 1985 (as amended) to help develop high-yielding and cost-reducing technologies so farmers can produce enough rice for all Filipinos.

Learn More

Philippine Rice Research Institute