Mas magiging masustansiya pa ang kanin na paborito nating mga Pinoy!
Sa kauna-unahang pagkakataon, naitanim at inani na sa Negros Occidental ang dalawang barayti ng palay na may mataas na zinc. Ito ang NSIC Rc 460 at NSIC Rc 648. Taglay ng mga ito ang hanggang 20.4 mg ng zinc kada kilo ng bigas, mas mataas kumpara sa karaniwang bigas na may 13–16 mg lamang. Bukod sa nutrisyon, pasado rin ito sa ating panlasa — malambot, masarap, at aprubado sa unang tikim ng ating mga ka-Palay sa Visayas!
Ayon sa datos ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute o DOST-FNRI, isa sa bawat apat na batang Pilipino ay kulang sa tangkad, na karaniwang epekto ng kakulangan sa zinc. Sa tulong ng zinc, naiiwasan ang pagkabansot ng mga bata, atrasadong brain development, mahinang resistensya, at komplikasyon sa pagbubuntis.
Ang isang tasa o 150 gramo ng lutong high-zinc rice kada araw ay pwedeng magbigay ng hanggang 25% ng daily zinc requirement ng mga preschoolers ayon kay Dr. Swamy Mallikarjuna ng International Rice Research Institute o IRRI.
Malakas din itong umani kaya naman rekomendado ring itanim ng ating mga magsasaka. Umaabot hanggang 8.7t/ha ang pinakamataas na ani ng NSIC Rc 460, gumugulang sa loob ng 115 na araw, at may resistensya sa brown planthopper , green leafhopper, at stemborer.
Umaabot naman hanggang 7.4t/ha ang ani ng NSIC Rc 648, may paggulang na 122 araw, at may laban sa sakit na blast, bacterial leaf blight, at sheath blight.
Pinapalawak na ang pagtatanim ng high-zinc rice, hindi lang sa Negros Occidental kundi pati na rin sa Nueva Ecija, Cotabato, at Agusan del Norte.
Pinaparami na sa ngayon ang mga binhi ng naturang barayti ng palay sa ilalim ng Healthier Rice Program ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice at inaasahang mas marami pa ang makakatanggap nito sa 2026 dry season lalo na sa mga prayoridad na probinsya.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center sa numerong 0917 111 7423.


