Average user rating0.0out of 5Makasisiguro ng mas mataas na ani kung gagamit ng mga de kalidad na binhi. Mayroon itong mataas na antas ng pagsibol, mababang bilang ng halong damo at ibang uri ng barayti o off types, at sabay-sabay na pagkahinog. Ang mga ito ay may mga certification tag na nagsasaad ng kalidad nito. Ang bawat kulay ng tag ay may karampatang uri ayon sa batayan ng mga tagasuri. Ang breeder seeds o ang pinakamataas na uri ng binhi ay may puting tag. Ang foundation seeds naman ay may pulang tag at ang registered ay berde. Ang mga binhing ito ay iniingatan ng gobyerno. Samantala, ang certified seeds na may tag na asul ay nasa kamay ng pribadong sektor tulad ng mga seed growers at magsasaka. Ang lahat ng binhing may tag ay mayroong 98 hanggang 100% na kapuruhan at hindi bababa sa 85% na pagsibol. Ibig sabihin, sa 40 kilong binhi, siguradong ang 34 kilo nito ay sisibol. Ito ay sobra pa sa kakailanganing binhi para sa isang ektarya. Ang certification tag ay nagsisilbing garantiya sakaling hindi maganda ang tubo ng mga halamang nagbuhat sa nasabing binhi. Hingin ito at itago hanggang sa matapos ang pag-aani. Maaaring bilhin ang mga binhing ito sa mga miyembro ng Rice Seed Network o SeedNet at accredited seed growers. Ang SeedNet ay isang organisasyon ng mga seed growers sa buong bansa na responsable sa paglalaan ng mga binhing may magandang kalidad. Kabilang dito ang mga nasa research centers, pampublikong kolehiyo at unibersidad, ilang office of the provincial agriculturists, mga kooperatiba, mga indibidwal na seed growers at iba pa. Itanong din sa inyong municipal agriculturists kung saan makabibili ng mga binhing ito. Para sa karagdagang impormasyon tungkol dito, sumangguni sa Philippine Rice Research Institute o PhilRice, Maligaya, Science City of Muñoz, Nueva Ecija sa telepono bilang (044) 456-0285 loc 217. Maaari ring i-text ang inyong mga katanungan sa Farmers’ Text Center. I-type ang REG/pangalan/edad/home address/email address kung mayroon, at ang katanungan upang makapagregister at i-send sa 0920-911-1398.
| Average user rating | There are no user reviews for this item
|
| | | | |
|