|
Kakulangan sa sustansya ng palay |
|
Broadcast Releases
|
|
Written by The Web Team
|
|
Monday, 21 June 2010 |
|
Alam mo ba kung anong sustansya ang kulang sa iyong palay? Minsan, nagkakapareho ang mga sintomas sa kakulangan ng sustansya sa palay. Ito ang nagiging dahilan kung bakit hindi natutugunan nang husto ang mga kakulangang ito. Ngayon, may mga sintomas nang tinukoy ang mga eksperto na maaaring gawing basehan upang malaman ang kulang na sustansya ng halaman.
Kadalasan, nagiging bansot at mahinang magsuwi ang palay kung kulang sa mga pangunahing sustansya tulad ng nitroheno, posporo, at potasyo ang halaman. Nguni’t, may mga iba pang sintomas na mahalagang malaman upang matukoy nang mabuti ang kulang na sustansya. Halimbawa, ang kakulangan sa nitroheno ay nagdudulot din ng maliliit, payat, at tuwid ang dahon. Mapapansing manilaw-nilaw ang mga naunang dahon hanggang mamula-mula. Kalaunan ang buong halaman ay pare-pareho na ang pagkadilaw.
Kung kulang sa posporo, ang mga dahon ay maliliit, payat, at tuwid subalit nagiging matingkad ang pagkaberde. Ang mga murang dahon ay mukhang normal pero ang matatanda o lumang dahon ay nagkukulay kape at namamatay. Maliban dito, tuwid ang uhay ng mga palay na kulang sa sustansyang ito.
Kulang sa potasyo ang palay kung ang mga naunang dahon sa ibabang bahagi nito ay kulay murang berde pagkatapos ay naninilaw at nagiging kulay kape. Ang paninilaw ay mula sa dulong bahagi ng dahon pababa. Maliban dito, ang mga dahon sa ibabang bahagi ay nababali at nagkakaroon ng dilaw na guhit sa mga ugat nito o kaya’y nagkukulay-kape ang iba’t-ibang bahagi ng dahon.
Kung ang puno at gitnang bahagi ng murang dahon ay naninilaw samantalang ang mga lumang dahon ay kulay kalawang, ang halaman ay kulang sa zinc. Hindi rin pantay-pantay ang paglaki ng palay kung kulang sa sustansyang ito. Ang mga palay sa matataas na bahagi ng bukid ay mas maganda ang tubo kaysa sa mga nasa mababang lugar. Sa kabilang dako, kung ang mga bagong dahon ay maliliit at naninilaw, ipinapahiwatig nito na kulang sa sulfur ang palay.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol dito, sumangguni sa PhilRice, Maligaya, Science City of Muñoz, Nueva Ecija sa telepono bilang (044) 456-0285 loc 217. Maaari ring i-text ang inyong mga katanungan sa Farmers’ Text Center. I-type ang REG/pangalan/edad/home address/email address kung mayroon, at ang katanungan upang makapag-register
|
|
|
Gumamit ng organiko at inorganikong pataba |
|
Broadcast Releases
|
|
Written by The Web Team
|
|
Friday, 04 June 2010 |
Lingid sa kaaalaman ng ibang magsasaka, ang paggamit ng pinaghalong organiko at inorganikong pataba ay nakabubuti sa halaman. Ang iba ay gumagamit ng purong inorganikong pataba samantalang ang iba naman ay purong organiko ang inilalagay sa halaman. Mayroon din namang mga magsasakang pinaghahalo ang inorganiko at organikong pataba. Ang totoo, parehong mahalaga ang inorganiko at organikong pataba dahil pareho itong nakatutulong sa pagpapalusog ng palay.
Ang inorganikong pataba ay nagsusuplay ng nitroheno, posporo, potasyo, calcium, sulfur, at zinc. Ang mga ito ay naibibigay din ng organikong pataba subalit sa mas mababang porsiyento lamang. Bagamat mas mababa ang sustansiyang makukuha sa organikong pataba, may iba pang benepisyo ang makukuha ng halaman mula dito. Napapanatili nitong buhaghag ang masyadong lagkiting lupa. Pinapabuti nito ang kakayahan ng lupa na humawak ng tubig o ang tinatawag na water holding capacity sa mga lupang buhaghag. Dahil dito, mas madaling makuha ng mga ugat ng palay ang sustansiya mula sa lupa. Pinapadami rin nito ang mga organismong makatutulong sa halaman sa pagkuha ng sustansiya mula sa abono.
Ang paggamit ng organiko at inorganikong pataba ay nakatutulong din upang mapataas o mapanatili ang nilalamang organic matter na siyang nagpapanatili ng sustansiya at halumigmig ng lupa.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol dito, sumangguni sa PhilRice, Maligaya, Science City of Muñoz, Nueva Ecija sa telepono bilang (044) 456-0285 loc 217. Maaari ring i-text ang inyong mga katanungan sa Farmers’ Text Center. I-type ang REG/pangalan/edad/home address/email address kung mayroon, at ang katanungan upang makapagregister at i-send sa 0920-911-1398. |
|
|
Broadcast Releases
|
|
Written by The Web Team
|
|
Friday, 04 June 2010 |
Ang mga halaman mo ba ay bansot, hindi pantay-pantay ang paglaki, yellow green ang gitnang ugat o midrib ng dahon, at may mga dusty brown spots na parang kalawang dito? Kung napansin mo ang mga sintomas na ito sa unang dalawang linggo hanggang ika-apat na linggo pagkatanim, ang lupa mo ay kulang ng zinc.
Halos lahat ng mga sakahang may patubig o irrigated lowland ay kulang sa zinc. Ito ay dahil hindi nasisipsip ng mga halaman ang zinc kung tuluy-tuloy ang pagkabaha ng lupa. Ito rin ay maaaring dahil sa mataas na phosphorus at organic matter content ng lupa, mababang suplay ng zinc, at dalawa o tatluhang pagtatanim.
Ang paglalagay ng 10 hanggang 25 kilo ng zinc sulfate sa bawat ektarya ay nakasanayan na ng ilang magsasaka. Subalit ngayon, napag-alaman ng mga mananaliksik ng PhilRice na ang 400 gramong zinc sulfate ay sapat na sa isang ektaryang palayan. Ito ay inilalagay sa 400 m2 kamang punlaan.
Ihalo ito sa sampung sako ng carbonized rice hull. Ikalat ito ng pantay sa kamang punlaang nasuyod at napatag nang mabuti bago itanim ang mga binhi.
Ang pagpapataas ng ani ay hindi kailangang mahal. Sa kaunting zinc sulfate, siguradong tataas ang ani mo at malaki pa ang matitipid mo.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol dito, sumangguni sa PhilRice, Maligaya, Science City of Muñoz, Nueva Ecija sa telepono bilang (044) 456-0285 loc 217. Maaari ring i-text ang inyong mga katanungan sa Farmers’ Text Center. I-type ang REG/pangalan/edad/home address/email address kung mayroon at ang katanungan upang makapagregister at i-send sa 0920-911-1398. |
|
|
|
<< Start < Prev 1 2 3 4 5 6 7 8 Next > End >>
|
| Results 1 - 23 of 163 |